ANG ALAMAT NI BERNARDO CARPIO (THE LEGEND OF BERNARDO CARPIO - A PHILIPPINE FOLKLORE)




Nuong panahon nang ang Pilipinas ay nasasakop pa ng mga Kastila ay mayruong mag-asawang naninirahan sa paanan ng bundok ng San Mateo, Rizal. Ang mag-asawa ay mahirap lang subali’t sila ay mabait, masipag, matulungin, at makadiyos. Sa mahabang panahon nang kanilang pagsasama ay hindi sila agad nagkaanak. Ganun pa man sila ay masaya sa kanilang buhay at matulungin sa kapwa lalu na tulad nilang naghihirap, at sa mga may sakit.  Ang mga bata sa kanilang pook ay inaaruga nilang parang mga tunay na anak habang patuloy silang umaasa na balang araw ay magkakaruon din sila ng sariling anak.

Dahil sa kanilang ipinamalas na kabutihan, pagtitiis, at pananalig ay kinaawaan din sila ni Bathala at dininig ang kanilang panalangin na magkaruon ng sariling anak. Sa wakas ay biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki. Bukod duon, biniyayaan din ni Bathala ang sanggol ng pambihirang lakas at kisig simbolo ng lakas ng pananalig at kagandahang loob na ipinamalas ng kanyang mga magulang.

Maliit pa lang ay kinakitaan na si Bernardo ng pambihirang lakas at kisig. Ilang linggo pa lang mula nang siya'y ipinapanganak ay nagagawa na niyang dumapa at gumapang mag-isa kaya minsan ay muntik na siyang mahulog sa hagdanan ng kanilang munting kubo kundi naagapan ng isang kastilang pari na nuon ay dumadalaw sa kanilang pook upang magturo ng Kristiyanismo.

Sa suhestiyon ng kastilang pari na humanga sa lakas at kisig ng sanggol, siya ay pinangalanang Bernardo Carpio ng kanyang mga magulang. Hinango ang kanyang pangalan kay Bernardo de Carpio, isang matapang, bantog, makisig, at maalamat  na mandirigma sa bansang Espanya. Eto ay parang nagbabadya sa magiging maalamat ding buhay ni Bernardo Carpio sa Pilipinas.

Habang lumalaki ay lalung nagiging kagila-gilalas ang pambihirang lakas ni Bernardo. Mahigit isang taon pa lang ay nagagawa niyang bunutin ang mga pako sa kanilang sahig sa kanyang paglalaro. At kapag isinasama siya ng ama sa pangangaso ay parang walang anuman na binubunot ni Bernardo ang ilang mga puno upang makagawa ng daanan sa masukal na kagubatan ng San Mateo.

Tulad ng kanyang mga magulang si Bernardo ay lumaking mabait, matulungin, at matatag ang loob. Minsan sa kanyang pamamasyal sa gubat, ay may natanaw siyang kabayo na nahulog sa bangin at napilay. Agad na nilusong ni Bernardo ang bangin upang sagipin at tulungan ang kabayo. Parang walang anuman na pinasan at iniahon niya ang kabayo sa bangin at dinala sa kanilang bahay upang gamutin at alagaan.

Sa kanyang pag-aalaga, ang bahagi ng enerhiya ni Bernardo ay dumaloy mula sa kanyang mga kamay at bumahagi sa kabayo na naging dahilan upang mabilis etong gumaling at nagsimulang nagpamalas din ng pambihirang lakas at bilis. Dahil sa tanglay na lakas at bilis ang kabayo ay tinawag niyang si Hagibis at mula nuon si Bernardo at si Hagibis ay laging magkasama sa pamamasyal sa kabundukan ng San Mateo.

Samantala, ang pagmamalupit at paninikil ng mga Kastila sa mga karapatan at kalayaan ng mga Pilipino ay lalung nag-ibayo. Mapagtiis man ang mga Pilipino ay dumating din ang panahon na hindi na nila matanggap ang pang-aapi ng mga dayuhan. Ang mga kalalakihan ay nagsimulang magpulong-pulong at bumuo ng mga pangkat sa hangaring ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa kanyang taglay na pambihirang lakas at pagiging makabayan ay napili si Bernardo na namuno sa namimintong himagsikan laban sa mga Kastila.

Nang makarating sa kanilang kaalaman ang nagbabantang himaksikan ng mga Pilipino, lalu na nang mapag-alaman nilang si Bernardo ang napipisil na mamuno, ay labis na ikinabahala eto g mga Kastila. Dahil sa pambihirang lakas at tapang na taglay nito ay alam nilang mahihirapan silang igupo ang anumang himagsikan at malamang na magtagumpay pa eto.

Dahil sa kanyang matatag na pamumuno at pambihirang lakas ay nabahala ang mga kastila sa magagawa ni Bernardo upang maging matagumpay ang himaksikan laban sa mga mananakop. Dahil dito ay gumawa ng patibong ang mga kastila. Diumano ay inanyayahan nila si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang karaingan ng mga Pilipino subalit eto ay bitag lamang upang sa tulong ng isang engkanto ay maipit sa nag-uuntugang bato at hindi na makapamuno sa himagsikan.

Lihim sa mga mamamayan, nuong panahon na iyon, ang mga Kastila ay may nahuling isang engkantado na kasalukuyan nilang isinasailalim sa eksorsismo (exorcism), isang pamamaraan ng simbahan upang sugpuin ang masamang ispiritu na sumapi sa katawan ng engkantado.

Dahil sa takot na magtagumpay ang himagsikan sa pamumuno ni Bernardo ay nakipagkasundo ang mga paring Kastila sa ispiritu na sumapi sa engkantado na ititigil nila ang eksorsismo (exorcism) kung tutulungan sila nito na masupil si Bernardo. Sa paniniwala ng mga Kastila, ang pambihirang lakas ni Bernardo ay matatapatan lamang ng agimat na taglay ng engkantado.

Hindi nag-aksaya nang panahon ang mga Kastila. Agad nilang inanyayahan si Bernardo sa isang pagpupulong upang diumano ay dinggin ang karaingan ng mga Pilipino. Subali't sila ay may nakahandang bitag kay Bernardo. Sa pagdaraanan patungo sa isang yungib ay naghihintay ang engkantado na nagtatago sa likuran ng magkaparis na naglalakihang bato. Pagdaan ni Bernardo ay ginamit ng engkantado ang kanyang agimat upang pag-umpugin nito ang naglalakihang bato sa pagnanais na ipitin at patayin si Bernardo.

Dahil sa pagkabigla ni Bernardo ay hindi siya nakaiwas at unti-unting siyang naipit ng nag-uuntugang bato. Ginamit niya ang kanyang lakas upang pigilan ang mga bato subalit ang kanyang lakas ay may katapat na lakas na nagmumula sa agimat ng engkantado.

Nang hindi bumalik si Bernardo kay Hagibis na naghihintay sa may paanan ng yungib ay naramdaman nitong may masamang nangyayari kay Bernardo. Mabilis na bumalik si Hagibis sa kapatagan upang humingi ng tulong sa mga mamamayan subali't natagalan bago naunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng mga  halinghing at pag- aalma ng kabayo. Sa bandang huli nang mapansin nila ang pagkawala ni Bernardo ay naisipan ng ilang kalalakihan na sundan si Hagibis dahil lagi silang magkasama.

Dinala ni Hagibis ang mga kalalakihan sa paanan ng yungib at tinangka nila etong pasukin. Subalit nang sila ay papalapit na ay sinalubong sila ng nagbabagsakang mga bato na ikinasugat at ikinapilay ng ilang kalalakihan. Natanaw nila ang malalaking nag-uumpugang mga bato at nuon ay napagtanto nila na ang yungib ay pinagpupugaran ng engkantado. Sila ay nangatakot at bumalik sa kapatagan ng hindi nakita si Bernardo.

Mabilis na kumalat ang haka-haka na si Bernardo ay naiipit ng nag- uumpugang bato at tuwing nagpipilit siyang kumawala ay nagiging sanhi eto ng paglindol sa kabundukan ng San Mateo.

Ang pagkawala ni Bernardo ay naging malaking dagok sa namumuong himagsikan ng mga Pilipino dahil sa pagkawala ng isang malakas at matapang na pinuno. Lumipas pa ang ilang taon bago muling nabuo ang loob ng mga Pilipino na ituloy ang pakikipaglaban sa mga Kastila.

Taung 1895 nang muling magpulong ang mga kalalakihan sa yungib ng Pamitinan at duon, sa karangalan ni Bernardo Carpio, ay ginawa nila ang unang sigaw ng himagsikan laban sa mga Kastila.

No comments:

Post a Comment